Inilunsad ng UBE Express sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr) ang bago nitong airport bus route mula NAIA patungong Robinson’s Place Manila.
Ayon kay Garrie David, presidente ng UBE Express, napili nila ang naturang mall dahil sa laki ng bilang mga pasahero na nanggagaling sa lugar.
Ang mga bus na ito ay may kapasidad na 24 pasahero kung saan ang bawat upuan ay may seatbelt at may nakalaan na lugar para sa mga persons with disability o PWD.
Ito rin ay mayroong TV, CCTV camera, wifi, GPS at charging station para sa mga pasahero.
Meron ding fire extinguisher ang bawat bus na bahagi ng safety precautionary measures nito.
Isa sa pinakamagandang feature ng naturang Premium Airport Bus Service ay pagkakaroon nito ng low floor entry na siyang lubos na makakatulong para sa mga PWD.
Dagdag pa ni David na dahil sa Euro 5 technology nito ay walang amoy at mas malinis na usok ang inilalabas nito.
Ang unit ng nasabing bus ay Mercedes Benz C120 na siyang nakakahalaga ng 10.2 million pesos ang bawat isa at nasa 200 pesos ang pamsahe sa lahat ng ruta.
Kasama rin sa mga ruta ng mga bus na ito ay ang papuntang Makati City Central Business District, Roxas Boulevard at SM Mall of Asia.