Panukalang Vanity Tax, ini-atras na ni Cong. Batocabe
Binawi na ni Ako Bicol Party list Rep. Rodel Batocabe ang kanyang panukalang nagsusulong ng buwis sa cosmetic products at serbisyong pampaganda o tinatawag na Vanity Tax.
Paliwanag ni Batocabe, maraming sektor at netizens ang umaalma sa kaniyang panukala kaya minabuti niyang i-atras na lamang ito.
At kahit mismong ang Ako Bicol Party list ay nagsabing huwag nang ituloy ang pagsusulong sa Vanity Tax.
Inamin din ng kongresista na mula nang maraming pumalag sa kanyang ideya ay napagtanto niya na mahirap buwisan ang kaligayahan ng ibang mga tao na gusto lamang magpaganda.
Isa rin aniya sa rason kung bakit niya binawi ang Vanity Tax bill ay kasunod ng pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na may pondo pa naman ang pamahalaan kaya hindi pa masyadong kinakailangan ng pagpapataw ng dagdag-excise tax sa produktong petrolyo.
Sinabi ni Batocabe na naisip lamang niya ang Vanity Tax bill bilang alternatibo sa Excise Tax sa oil products na mas malaki ang epekto sa publiko.
Sa kabila nito, iginiit ng mambabatas ang gobyerno na aksyunan ang problema sa tax leak sa produktong petrolyo maging sa importasyon ng cosmetics.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.