Palasyo: Duterte, hindi magdedeklara ng martial law

 

Inquirer file photo

Tinawag ng Malacañang na iresponsable ang media matapos lumabas ang mga ulat tungkol sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan kaugnay ng pagdedeklara ng martial law.

Nabanggit kasi ng pangulo na magpapatupad siya ng martial law oras na lumala pa ang problema ng iligal na droga sa bansa.

Ginawa ito ng pangulo sa harap ng mga miyembro ng Davao City Chamber of Commerce and Industry sa Marco Polo hotel noong Sabado.

Pero binanatan ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar ang media dahil aniya sa “misreporting” sa naging pahayag ng pangulo.

Giit ni Andanar, una nang sinabi ni Pangulong Duterte na ayaw niya ng martial law, at nasabi na rin nito noon na hindi naman napaganda ng martial law ang buhay ng mga Pilipino.

Dahil dito, binabatikos aniya ng Malacañang ang maling ulat ng media na nagsasabing magdedeklara ang pangulo ng martial law kung gugustuhin niya at na wala namang makakapigil sa pangulo na mag-deklara ng martial law.

Naging sanhi aniya ito ng panic at kalituhan sa maraming tao.

Nais rin ni Andanar na linawin na malinaw naman na sinabi ni Duterte na magdedeklara lang siya ng martial law kung tuluyan nang masira ang bansa dahil sa state of rebellion and lawlessness.

Read more...