Matapos ang anim na taon, inanunsyo ng wellness and beauty guru na si Cory Quirino na binitiwan na niya ang Miss World Philippines franchise.
Sa text message ni Quirino sa Inquirer kung saan siya rin ay isang kolumnista, nagdesisyon siyang bitiwan na ang lisensya ng Miss World Philippines dahil aniya sa mga “personal and business reasons.”
Inaasahang ikabibigla ito ng mga pageant fans, lalo’t sa panahon ng pamamahala ni Quirino ay nasungkit ng kinatawan ng Pilipinas na si Megan Young ang korona sa pageant noong 2013 sa Indonesia.
Nag-umpisang hawakan ni Quirino ang naturang pageant franchise noong 2011, at mula noon, sunud-sunod ring kinikilala ang mga nagiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss World stage.
Una ay si Gwendoline Ruais na muntik nang makuha ang korona nang mapunta siya sa second place. Pasok naman sa Top 8 si Queenirich Rehman sa Top 8 noong 2012, habang si Valerie Weigmann naman ay nakapasok sa Top 25 noong 2014.
Nakapasok rin sa Top 10 si Hillarie Danielle noong 2015, habang nasa fourth place naman si Catriona Gray nitong huling pageant na ginanap noong December.