Kapitan ng barangay na dinukot sa Dapitan, pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf
Pinugutan ng ulo ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang isang kapitan ng barangay na kabilang sa tatlong katao na kanilang bihag mula pa noong buwan ng Mayo.
Natagpuan ang katawan ni Rudy Boligao, barangay captain ng Aliguay, Dapitan City sa Maimbung, Sulu.
Si Boligao ay kabilang sa tatlong bihag ng Abu Sayyaf kasama ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na sina Seaman 2nd Gringo Villaruz at Seaman First Allan Pagaling.
Dinukot ang tatlo noong May 4 sa Aliguay Island malapit sa Dakak Resort sa Dapitan City.
Noong buwan ng Hunyo, nag-viral pa sa Facebook ang video ng tatlo habang nananawagan ng tulong sa pamahalaan.
Sa nasabing video, ipinakita ang tatlong bihag na magkakatabi, nakaluhod, nakatali ang kamay sa likod at nakapiring ang mata. Bawat isa sa kanila ay pinagsalita at nanawagan sa administrasyon at pamunuan ng Coast Guard para sila ay iligtas.
Makikita sa video na bantay sarado sila ng walong lalaki na armado ng baril at bolo na nakatakip ang mga mukha.
Matapos ang pagkakatuklas sa katawan ni Boligao, hindi pa malinaw ang kalagayan ng dalawang tauhan ng Coast Guard./Inquirer Mindanao, Erwin Aguilon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.