Sinabi St. Louis County Police Chief Jon Belmar na umakyat na sa 150 ang bilang ng kanilang mga naaresto kaugnay sa nagpapatuloy na kaguluhan sa lugar.
Nitong Lunes kasabay ng first death anniversary ni Michael Brown ay muling uminit ang sitwasyon nang lumusob sa lansangan ang mga miyembro ng “Black Lives Matter” Movement na isang grupong nagsusulong ng mga karapatan ng mga Black Americans.
Magugunitang may isang taon na ang nakalipas ay napatay si Brown ng mga tauhan ng pulisya makaraan siyang arestuhin dahil sa umano’y pagnanakaw ng sigarilyo.
Si Brown ay binaril ng white police officer na si Darren Wilson na napilitan ding mag-resign sa trabaho dahil sa pressure ng mga Black American Groups.
Makalipas ang ilang buwang pagdinig ay inabswelto ng jury si Wilson at ilan pang tauhan ng pulisya na umaresto kay Brown.
Dito nagsimula ang mga serye ng street protests na sinundan pa ng ilang kaso ng drive-by shootings na ikinasugat ng ilang tauhan ng pulisya sa lugar.
Lalong uminit ang sitwasyon dahil naulit ang sinasabing sytematic racial biases sa ilang estado ng U.S na nagresulta rin sa pagpatay ng mga tauhan ng pulisya sa ilang Black American sa New York, Baltimore, Los Angeles at Cincinnati.
Dahil sa pagpapatuloy ng kaguluhan sa Ferguson Area ay isinailalim na State of Emergency ang buong lugar mula pa noong Lunes at nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan./Den Macaranas