PhilHealth, aprubado ang pagsama ng drug detox programs sa benefit package

philhealthKasabay ng kampanya laban sa ilegal na droga ng Duterte administration, inaprubahan na ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang P10,000 benefit package para sa medical detoxification ng mga drug dependents.

Ayon kay PhilHealth acting president and chief executive officer Ramon Aristoza Jr., ang naturang package ay makakatulong sa mga gustong maalis ang kanilang adiksyon sa mga illegal substances.

Dagdag pa ni Aristoza, mandato ng PhilHealth ang makapagbigay ng health insurance coverage sa lahat ng mga Pilipino at ang pagsuporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Binigyang-diin ni Aristoza na sa medical detoxification package ay sisiguruhin ng PhilHealth ang probisyon ng minimum standards ng medical intervention para sa ligtas na pagma-manage sa mga acute physical symptoms ng withdrawal na may kinalaman sa paghinto sa paggamit ng droga.

Ang nasabing package ay maaring ma-avail ng mga PhilHealth members na may acute physical symptoms mula sa paggamit ng mga amphetamine-type stimulants tulad ng methamphetamine, cocaine, ecstasy o kombinasyon ng mga ito.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Ariztoza na lahat ng PhilHealth eligible members at mga dependents ay maaring mag-avail ng benefit package bilang one-time benefit.

Read more...