Balikbayan box ng isang OFW mula sa US, napalitan ang lahat ng laman pagdating sa Pilipinas

By Kabie Aenlle January 14, 2017 - 07:46 AM

Mula sa Facebook ni Patrick Galsim
Mula sa Facebook ni Patrick Galsim

Inilabas ng isang overseas Filipino worker (OFW) ang kaniyang galit sa isang courier company sa kaniyang Facebook account, matapos madiskubreng ang lahat ng laman ng ipinadala niyang balikbayan box ay napalitan pagdating dito sa Pilipinas mula sa Amerika.

Sa Facebook post ng OFW na si Patrick Galsim, idinetalye niya kung paano siya nadismaya, lalo na ang kaniyang pamilya dito sa Pilipinas nang dumating ang nasabing kahon.

Ayon kay Galsim, natanggap ng kaniyang pamilya ang balikbayan box January 10, 2017, matapos ang dalawang buwang paghihintay, ngunit ang mga pinadala niyang mga de lata, alak, sigarilyo, chocolates, toiletries, sapatos, mga damit at gamit pambata ay napalitan ng mga bags na pawang made in China.

Sa mga ipinost rin na litrato ni Galsim, kabatid-batid na iba ang itsura ng kahon bago ito kunin ng courier service mula sa kaniyang bahay sa Amerika, at nang dumating ito sa Pilipinas, partikular na sa sulat-kamay ng pangalan at address, pati na sa kung paano sinelyohan ang balikbayan box.

Wala aniyang ni isa sa mga ipinadala niya ang nakarating sa kaniyang pamilya.

Malakas rin ang hinala ni Galsim na ang nasa likod nito ay posibleng empleyado o nagtatrabaho rin sa courier company na Global Cargo Movers, dahil parehong kahon nila ang ginamit at na ang mga ito lang ang may access sa kaniyang kahon.

Nag-reklamo na si Galsim sa nasabing kumpanya at isang Napoleon Militar ang umasikaso sa kaniya sa email at sa tawag.

Inabisuhan siya nito na magbabayad ang kanilang kumpanya kay Galsim ng $200 dahil sa nasabing insidente, ngunit hindi nila ire-refund ang pick up o delivery charge dahil ang ahenteng kumuha nito na nakilalang si Roderick Bagcal ay hindi nila direktang empleyado.

Dito na lalong napikon si Galsim dahil aniya, ang balikbayan box ay hindi lamang simplent kahon kundi sumasalamin ito sa paghihirap at sakripisyo ng mga OFWs sa ibang bansa na nagpapadala sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas.

Aminado naman ang kumpanya na may responsibilidad sila sa insidente, ngunit gustuhin man nilang magsampa ng kaso laban kay Bagcal, maaring hindi pa nila ito magawa sa ngayon, kaya makakapagbigay lang muna sila ng $200 kay Galsim alinsunod sa kanilang insurance coverage.

Sinusubukan na rin umano ng kumpanya na hanapin ang ahente, ngunit hindi rin nila ito ma-contact.

Nananawagan na rin si Galsim at ang kaniyang pamilya dito sa Pilipinas sa mga otoridad upang matulungan silang maresolbahan ang nasabing insidente at mapanagot ang nasa likod nito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.