Mga mayor, hindi nakapalag sa mga pahayag ng pangulo

 

Presidential photo

Wala umanong kahit isang alkalde na dumalo sa pulong na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nagtangkang magsalita sa kasagsagan ng talumpati nito sa Malacañang.

Sa panayam sa mga alkalde na dumalo sa okasyon, ilan sa mga ito ang nagsabing naging direkta ang mga pahayag ng Pangulo sa mga nais nitong mangyari sa kanyang kampanya kontra droga sa bansa.

Makailang ulit rin anilang nagmura ang pangulo at mistulang diniktahan silang mga alkalde kung ano ang dapat gawin upang malipol ang mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot sa kani-kanilang nasasakupan.

Ayon sa isang alkalde na tumangging magpabanggit ng pangalan, bagamat suportado nila ang adhikain ng pangulo, dapat ay nagpakita rin ng kaunting respeto ang pangulo sa kanila dahil maging sila ay halal rin ng taumbayan.

Ang ilan naman ay tanggap na ang istilo ng pangulo.

Sinabi ni Mayor Antonio Halili ng Tanauan, Batangas, wala nang nagtanong sa mga alkalde dahil malinaw naman ang naging mensahe ng pangulo na galit ito sa droga.

Napangiti naman lamang si Mayor Vicente Loot ng Daanbantayan, Cebu nang personal itong mabanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati.

Paliwanag ni Loot, na isang dating pulis, kanya nang inaasahan ang mga banat sa kanya ng Pangulo dahil ‘paborito’ siya nito.

Matatandaang si Loot ang isa sa limang miyembro ng PNP na kinilala ni Pangulong Duterte na sangkot umano sa droga.

Read more...