Pumanaw na ang isa sa anim na kawani ng LPG refilling station na nasunog at sumabog sa Pasig City nitong Miyerkules ng gabi.
Kinumpirma ni Sr. Insp. Anthony Arroyo, hepe ng investigation unit ng Pasig Fire Department, na pumanaw na sanhi ng matinding sunog sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si William Khey, 39.
Ayon kay Arroyo, nagtamo ng sunog sa 98% ng kanyang katawan ang biktima na dahilan ng kanyang pagpanaw.
Nananatili naman sa pagamutan at nasa kritikal pa ring kondisyon ang iba pang mga biktima ng pagsabog na sina Jeffrey Eugenio, 35, na nagtamo rin ng pagkasunog sa 98% ng kanyang katawan at Camilo Alcaraz Jr., 19, (95%)
Kinilala naman ang ilan pang biktima ng pagsabog na sina Arvin Bautista, 20, Jectophil Cawili, 21, Aljandro Conrad, 42, Domingo Guira, 29 at Raymart Eda, 22 anyos na nagtamo rin ng nasa 90% na pagkasunog ng katawan sanhi ng insidente.
Sa kabuuan, nasa 21 katao ang nasaktan sa pagsabog.
Karamihan sa mga biktima ay pawang mga stay-in na manggagawa ng Omni Gas Corp. sa Sandoval Avenue.
Pag-aari ang compound ng LPG Marketers Association partylist. (LPGMA).
Bukod sa refilling station, nadamay rin sa insidente ang gasolinahan ng Flying. V.