Pagbatikos ng Gabriela sa Miss Universe pageant pinalagan ng ilang mambabatas

Miss UniverseSinopla ng ilang lalaking kongresista ang pagkondena ng Gabriela partylist sa pagho-host ng Pilipinas sa Miss Universe 2016.

Ayon kay PBA Partylist Rep. Mark Sambar, nirerespeto niya ang pananaw ng Gabriela subalit masyado namang malayo sa katotohanan ang opinyon ng grupo na naaabuso raw ang mga babae sa ganitong pageant.

Kinontra rin ni Sambar ang pahayag ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na dahil sa Miss Universe pageant ay naibebenta ang Pilipinas bilang tourist destination para sa cheap at easily exploitable women.

Ani Sambar, ang hirap sa Gabriela ay idedepensa at pupurihin nito ang mga winner pero hindi nito kakampihan talaga ang patimpalak.

Sa panig naman ni Ang Edukasyon Partylist Rep. Salvador Belaro, may bias ang Gabriela.

Ang Miss Universe pageant aniya ay isang factual reality dahil sa tagal na nito.

Ang mas mabuting gawin, ayon kay Belaro ay makiisa ang Gabriela at i-promote at hangaan ang ganda ng mga kandidata.

Hinimok naman ni ABS Partylist Rep. Eugene Michael de Vera ang Gabriela na tingnan ang positibong aspeto ng pagdaraos ng Miss Universe pageant sa Pilipinas dahil tiyak na magpapalakas ito ng turismo.

Read more...