Sa hindi inaasahang pagkakataon ay muntik magtagpo sa isang birthday party sa San Juan sina Sen. Grace Poe at Interior Sec. Mar Roxas.
Unang dumating sa party si Sen. Poe para makisaya sa kaarawan ng isang mayamang kongresista at ng kanyang kakandidatong Mister mula sa Central Luzon na ginanap sa isang kilalang restaurant sa San Juan City.
Kaagad na nagkagulo ang venue dahil nag-unahan ang mga bitbit na local officials ni Congresswoman sa pagpapa-picture kay Poe.
Hindi rin naman nagpahuli sa kulitan ang Mister ni Madam Congresswoman dahil tatakbo si Sir bilang Mayor sa isang lungsod na matatagpuan din sa kanilang lalawigan.
Sa gitna ng pagdiriwang ay itinaas ng mag-asawa ang kamay ni Poe sabay ang pangako na susuportahan nila ang mambabatas sa kanyang pagtakbo sakaling magpasya sya na sumali sa 2016 Presidential election.
Palibhasa’y kilala at mayaman na pulitiko sa kanilang lalawigan tiyak nga naman na makakahakot ng dagdag na mga boto ang mag-asawa.
Nang malaman ni Sen. Poe na paparating din sa venue si DILG Sec. Mar Roxas ay kaagad din siyang nagpaalam sa lugar.
Sinabi ng ating Cricket na mabilis na lumabas ng restaurant ang senador na halatang ayaw magpakita sa Presidential Candidate ng Partido Liberal.
Pagdating ng inindorsong kandidato ng Pangulo ay muling nagkagulo ang venue.
Kaagad na naglapitan kay Sec. Mar Roxas ang mga bitbit na local officials ni Madam Congresswoman at nag-unahan sa pagse-selfie.
Bilib na bilib ang nasabing mga local officials dahil talagang bigatin daw ang kanilang bagong sinasandalan na opisyal makaraan nilang abandonahin ang kasalukuyang Mayor sa kanilang lugar.
Sa gitna ng kasiyahan ay naki-sali sa sing-along si Sec. Roxas kung saan ay inihayag ng kampo ni Madam Congresswoman na tutulungan nila ang kalihim sa kanyang kandidatura sa 2016.
Nawindang ang ating Cricket dahil iyun din ang kanilang ipinangako kay Sen. Poe kaya napangiti na lang ang mga tao sa loob ng venue.
Walang kaalam-alam ang kalihim na bago siya pinangakuan ng suporta ay nauna na nila itong ibinigay sa unang bisita…si Sen. Poe.
Sinabi ng ilang mga tao sa lugar na halatang nagseseguro ang mag-asawa na masusungkit nila ang kanilang tatakbuhang pwesto kaya napilitan silang mamangka sa dalawang ilog.
Hindi nga naman masisisi ang dalawa dahil malaki na rin ang nagastos nila para pa lamang sa preparasyon sa halalan at mas malaking gastusin pa ang kanilang pagha-handaan sa pagsisimula ng kampanya.
Ang mag-asawang kandidato sa Central Luzon na namamangka para sa suporta ng mga Llamadong pulitiko sa 2016 ay sina….basta sila ang nilalapitan ng mga taong nagigipit at gustong mag-sanla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.