Sa loob na ng taxi nanganak ang isang ginang sa kahahanap ng murang paanakan, 1:30 ng madaling araw.
Ayon sa tsuper ng taxi na si Armado Mayao, sa kahabaan ng Quirino Highway sa isang gasolinahan na nasa Maligaya St., Greater Lagro na naabutan ng panganganak si Aira Arellano, 22-anyos.
Ayon naman kay Buna Morante, biyenan ni Arellano na kasama niya sa taxi, galing sila ng Tala Hospital pero hindi tinanggap ang buntis na ginang dahil kulang daw sa gamit ang ospital lalo na at kulang sa buwan ang ilalabas na sanggol.
Dahil dito, naghanap sila ng mga murang paanakan, pero nang malapit na manganak ang ginang, tumabi na lang sila sa isang ambulansya na nakahinto sa gasolinahan.
Dito na humingi ng tulong ang biyenan ni Arellano, at agad namang kumilos ang mga volunteer ng ambulasya para ligtas na maisilang ng ginang ang sanggol na babae.
Pagkatapos manganak, agad na silang dinala sa Commonwealth Hospital and Medical Center.
Gayunman, muli ring nagtaxi ang mag-ina papunta ng East Avenue Medical Center dahil na rin sa kakulangan ng pera para pambayad sa ospital.
Nag-ambagan naman ang mga panggabing reporters ng Quezon City Police District at isang samaritano para makabili ng kinakailangan gamot sa sanggol at mabayaran ang pamasahe sa taxi.