Ito ang kauna-unahang pagharap sa media ni Trump matapos itong manalo sa eleksyon noong Nobyembre.
Sa pagharap sa media, sinagot nito ang ilang mga isyu kaugnay sa mga ilalatag na mga plano para sa kanyang mga negosyo bago ito maupo sa puwesto.
Gayunman, bago pa ito, natanong si Trump ukol sa mga balitang may hawak na video ang Russia at iba pang materyal na ipinapakita ang ilang bahagi ng pribadong buhay ni Trump at ang pakikipag-transaksyon nito ukol sa hacking ng Amerika.
Mariin namang itinanggi ni Trump ang naturang balita sa pagsasabing peke ang mga naturang balita at gawa-gawa lamang.
Pinasalamatan naman ni Trump ang ibang news organization na hindi ginamit ang naturang mga ‘fake news’ laban sa kanya.
Sa website na ‘Buzzfeed’ unang lumabas ang mga alegasyon na umano’y nakipag-kuntsabahan si Trump sa Russia upang kontrolin ang eleksyon at sa umano’y paggamit noon ni Trump ng mga prostitute habang nasa Ritz-Carlton hotel sa Moscow.
Ang naturang alegasyon ay ibinalita naman ng CNN.
Mariin itong itinatanggi ni Trump at maging ng Russia.
Sa naturang press conference, sinabi ni Trump na malaki ang posibilidad na ang Russia ang naglunsad ng hacking sa Amerika noong panahon ng kampanya.
Gayunman, iginii tni Trump na marami rin namang ibang bansa ang pinipilit na i-hack ang US sa nakalipas na mga panahon.
Kinumpirma rin ni Trump na kanya nang inilipat ang control ng kanyang mga negosyo sa dalawang anak na lalake na sina Don Junior at Eric.
Kanya aniya itong ginawa upang matiyak na hindi magkakaroon ng ‘conflict of interest’ sa kanyang pagiging presidente ng Amerika.