Kasambahay na hinihinalang miyembro ng ‘Dugo-Dugo Gang’, ipinaaresto ng amo
Arestado ang isang kasambahay na itinuturong miyembro ng ‘Dugo-Dugo Gang’ sa Alfonso St., Balut, Tondo, Maynila.
Kinilala lamang ang suspect na si ‘Danise Rosa’, 18-anyos, tatlong buwan nang namamasukang kasambahay sa tahanan ng mga Advincula.
Kwento ng amo, nagtaka siya nang tumawag siya kanilang bahay at walang sumasagot.
Dali-dali rin umanong umuwi ang amo para i-‘check’ kung may nangyari ang kanilang bahay at ang dalawa niyang anak.
Tumambad sa mag-asawang Advincula ang ni-ransak nilang kwarto at wala na ang kanilang mga pinag-hirapang alahas na nagkakahalagang halos isangdaang libong piso.
Gabi na nang bumalik ang suspect sa bahay ng kanyang amo na parang wala umanong nangyari.
Depensa ng suspect, nakatanggap umano siya ng tawag na na-aksidente ang kanyang amo na si Sarah at inutusan umano siya nito na kunin ang mga alahas at dalhin sa isang restaurant malapit sa hotel sa Pasay City.
Nagduda naman ang amo dahil hindi man lamang umano nagulat ang kasambahay nang datnan siya nito na maayos ang kalagayan at hindi na-aksidente.
May dala-dala pa nga raw itong pagkain mula sa isang fastfood chain pagkauwi.
Kahina-hinala rin umano ang pagpapalit ng suspect ng sim card para hindi siya matawagan ng kanyang amo.
Agad namang tumawag sa mga pulis ang mga biktima para ma-aresto ang suspect.
Hinala ng mga otoridad, maaring miyembro ng malaking sindikato ang suspect na si Rosa.
Nahaharap ngayon sa kasong qualified theft ang nasabing kasambahay.
Payo ng mga otoridad, mag-doble-ingat sa pagkuha ng mga kasambahay, at tiyakin na sila ay mapagkakatiwalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.