Ilang alkalde harapang minura ni Duterte sa pulong sa Malacañang
Pinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang mga alkalde sa bansa kaninang hapon sa Malacañang.
Ang pulong ay kasunod ng naging pahayag ni Duterte na lahat ng mga mayor na kabilang sa kanyang narco-list ay kanyang papatayin.
Sa panayam ng Inquirer, sinabi ng hindi nagpakilalang alkalde mula sa Luzon na minura at binantaan ni Pangulong Duterte sa naturang pagpupulong ang mga mayor na sangkot sa illegal drug trade.
Sinabi din ng source na hindi maganda ang mood ni Duterte nang pulungin sila sa Malacañang kanina.
Muli aniyang pinangalanan ng pangulo ang dating police official at ngayon ay Daanbantayan Mayor Vicente Loot na kabilang sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
Bukod dito, sinabi din ng naturang source na pinangalanan din ni Duterte ang siyam pang hukom na sangkot din sa iligal na droga.
Una nang sinabi ng pangulo na bukod sa mga judge, congressman at police officials, kabilang din sa kanyang narco-list ay mga alkalde.
Dumating kanina sa Malacañang ground ang maraming bus sakay ang mga mayor matapos ipatawag ni Pangulong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.