Sinabi ni Ricky Serenio, 34-anyos, residente ng Barangay Singcang, Bacolod City na umaabot sa 15 PNP officials, 20 mga junior PNP officers, ilang tauhan ng PDEA at miyembro ng media ang nasa kanyang payola.
Ipinaliwanag ni Negros Island Police Regional Office Director Renato Gumban na kabilang ang kanilang nadakip na si Serenio sa mga bigtime supplier ng shabu sa buong Visayas.
Ilang araw rin umanong isinailalim sa surveillance ang suspek bago siya nahuli kung saan nakuhanan siya ng isang Cal. 45 na baril, mga bala, magazines at isang granada.
Sa kanyang pagharap sa media, sinabi ni Serenio na nakahanda siyang pangalanan ang mga opisyal ng PNP at PDEA kapag siya’y nasa pangangalaga na ng Witness Protection Program ng Department of Justice.
Ipinaliwanag rin ng suspek na karaniwan nilang inilalagay sa spare tire ng sasakyan ang kanilang ibinabyaheng droga para hindi matunton ng mga otoridad.
Dati umano nilang kinukuha sa New Bilibid Prisons ang mga shabu na kanilang ibinebenta pero ngayon ay sa Marawi City na sila kumukuha ng kanilang kalakal.
Samantala, sinabi naman ni Mary Divine Grace Cuello, station manager ng Bombo Radyo Bacolod na dalawa sa kanilang mga tauhan ang iniimbestigahan makaraang masangkot ang kanilang pangalan sa pagtanggap ng payola mula sa droga.
Hindi umano nila kinukunsinte ang mga maling gawain ng kanilang mga tauhan lalo na kapag nasasangkot ang mag ito sa ipinagbabawal na gamot.