Ayon sa Nickelodeon, ang parke sa Palawan ay magiging bahagi ng 400 ektaryang undersea development na magpapakita sa marine life sa nasabing lugar na magbibigay ng pagkakataon sa mga fans na makasalamuha ang kanilang mga paboritong characters.
Kilala ang Nickelodeon sa pagpapalabas ng sikat na Spongebob Squarepants, Dora the Explorer at maraming iba pang animated shows na patok sa mga bata.
Sa pahayag ni Viacom International Media Networks executive vice president Ron Johnson, ipinaliwanag pa nilang napili nila ang Palawan dahil kilala ito sa pagkakaroon ng pinakamagagandang beaches sa buong mundo sa kasalukuyan.
Sa unang inilabas na pahayag ng Viacom na nagmamay-ari sa Nickelodeon, inanunsyo nilang magbubukas ang nasabing resort sa 2020, na magkakaroon pa ng mga restaurants na nakalubog six meters o 20 feet below sea level.
Giit pa nila, isusulong ng kanilang proyekto ang ocean protection.
Gayunman, nanindigan ang Greenpeace na sisirain lamang ng nasabing proyekto ang marine ecosystem na kilala sa buong mundo.
Ayon kay Vince Cinches ng Greenpeace Southeast Asia, nakalulungkot at nakababahala ang pagtatayo ng ganito kalaking theme park sa ilalim ng tubig.
Hindi aniya maigsusulong ang environmental protection sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga ganitong istruktura.
Dagdag pa niya, bakit kailangan pang magtayo ng viewing deck kung maari namang lasapin ang buong paraisong ito.
Samantala, iginiit naman ng partner ng Viacom sa Pilipinas na Coral World Park na hindi nila sisirain ang kalikasan, bagkus ay tinitiyak nila ang sobrang maingat na mga hakbang upang hindi maapektuhan ang biodiversity.
Nilinaw naman ng Palawan Council for Sustainable Development, na ahensya ng pamahalaan, na hindi pa naaaprubahan ang nasabing proyekto.