LPG refilling station sa Pasig sumabog, katabing gasolinahan nadamay

 

Sumabog ang isang liquefied petroleum gas (LPG) refilling station sa Sandoval Avenue, Brgy. San Miguel, Pasig City pasado ala-1:00 ng madaling araw kanina.

Sa sobrang lakas ng pagsabog, naramdaman ito ng mga kalapit na residente na inakalang malakas na kulog ang kanilang narinig.

Napag-alaman na nagkaroon umano ng leak sa mga LPG ng Omni Gas refilling station, na katalikuran lamang ng gas station na Flying V.

Dahil rin sa lakas ng pagsabog, nawasak ang pader sa pagitan ng Omni Gas at ng Flying V, at nagkalasog-lasog rin ang mismong istasyon ng Flying V.

Ayon sa mga tauhan ng Flying V, bagaman 24-oras ang kanilang operasyon, isinara muna nila ang kanilang mga pump nang sabihan sila ng tauhan ng Omni Gas na may leak sa kanilang mga LPG., pasado alas-dose ng hatinggabi.

Umabot sa ika-limang alarma ang sunog sa nasabing lugar na malapit rin lamang sa LPGMA, 1:24 ng madaling araw.

Idineklara naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) na fire out ang naturang sunog dakong alas 3:13 ng madaling-araw.

Ayon sa ulat, hindi bababa sa 21 katao ang nasugatan sanhi ng naturang sunog.

Read more...