Kaso ng Zika virus, umabot sa 53 sa pagtatapos ng 2016
Umabot sa 53 ang bilang ng mga taong nagkaroon ng Zika virus hanggang sa pagpatak ng December 30, 2016.
Kinumpirma ni Health Sec. Paulyn Ubial na umabot nga sa 53 ang mga kaso ng Zika virus na naitala noong 2016, at na ang huling kasong naitala nila ay noong December 23.
Ang age range naman aniya ng mga nagkaroon ng nasabing sakit ay mula 7 hanggang 59 taong gulang, na may median age na 32.
Sa nasabing bilang, 65 percent ang kababaihan pero wala naman aniyang nadagdag sa bilang ng mga buntis at nanatili aniya ito sa apat.
Ang isa aniya sa mga ito na mula sa Las Piñas ay nagsilang na ng isang malusog na baby boy na walang microcephaly.
Bagaman normal ang bata, patuloy pa rin itong inoobserbahan ng Department of Health (DOH), habang hinihintay rin nila ang panganganak ng tatlong iba pang mga buntis.
Sa kabutihang palad ay wala pa aniya silang namomonitor ng abnormalidad sa mga sanggol sa sinapupunan ng tatlong buntis, tulad ng microcephaly.
Base kasi sa pag-aaral ng US Centers for Disease Control and Prevention, nasa 6 percent ng mga babies na isinilang ng mga nanay na may Zika virus ay nagkakaroon ng birth defects tulad ng microcephaly o pagkakaroon ng maliit na ulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.