‘Walang kapatawaran sa mga pulis na sangkot sa ‘Tokhang for ransom’-Lacson
Hindi dapat binibigyan ng kapatawaran ang sinumang pulis na nasasangkot sa ‘tokhang for ransom’ dahil sa bigat ng krimen na nagawa nito.
Ito ang reaksyon ni Senador Panfilo Lacson bilang tugon sa aniya’y tila ‘malambot’ na pagtrato ng PNP sa police officer na nasasangkot sa pagdukot sa isang negosyanteng South Korean na nawawala simula pa noong Oktubre.
Ayon kay Lacson, dapat mabilis ang pag-aksyon ng puwersa ng PNP upang malinis ang kanilang hanay sa ganitong uri ng mga pulis na ginagamit pa ang gyera kontra droga ng gobyerno upang makapagsamantala sa kapwa.
Giit ni Lacson na isang dating PNP Chief at pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF), sinisira ng mga ito ang imahe ng buong puwersa ng pambansang pulisya.
Hanggang sa ngayon, nananatiling misteryo sa pamilya ng 53-anyos na Koreanong si Jee Ick-Joo ang kinaroroonan nito matapos umanong sapilitang tangayin ng mga armadong suspek sa loob ng kanilang bahay noong Oktubre 18 sa Angeles City, Pampanga.
Bagamat nakapagbayad na ng ransom ang misis ng biktima, hindi pa rin ito pinalalalaya ng mga suspek.
Isa umano sa mga dumukot sa biktima ay isang miyembro ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG).
Kinumpirma ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na nasa kanilang kustodiya na ang pulis na suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.