P1,000 dagdag sa SSS pension pinagtibay na ng pangulo
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P1,000 na dagdag sa buwanang pension na tatanggapin ng mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS).
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na paplantsahin na lamang ang ilang implementing rules and regulations para sa nasabing hakbangin.
Ipinaliwanag naman ni SSS Chairman Amado Valdez na magpapatupad sila ng 1.5-percent na dagdag sa monthly premiums ng mga SSS members para mabalanse ang ilalabas na pondo ng ahensya.
Sinabi rin ni Valdez na hindi kakayanin ng SSS ang hirit na P2,000 dagdag na pension pero kaya umano nilang ibigay ang kasunod na P1,000 sa taong 2022.
Sa ngayon ayon kay Valdez ay magsasagawa sila ng mas mahigpit na pagtutok para habulin ang mga employers na hindi nagre-remit ng SSS premiums ng kanilang mga empleyado.
Muli rin niyang ipina-alaala na moral obligation ng mga employers na bayaran ng tama at sa oras ang SSS contributions ng kani-kanilang mga tauhan.
Kapag hindi umano sila gumawa ng paraan para palakihin ang kita ng ahensya ay malamang na hanggang sa 2042 na lamang ang maging buhay SSS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.