Ibinasura ng korte ang inihaing election protest laban sa nanalong alkalde ng Bocaue, Bulacan na si Mayor Joni Villanueva-Tugna.
Base sa desisyon ni Judge Herminigildo Dumlao II ng Bulacan Regional Trial Court (RTC) Branch 81 sa Malolos, pinagtibay ang pagkapanalo ni Tugna laban sa kaniyang mahigpit na katunggali na si Jim Valerio.
Ayon sa korte nabigo ang petitioner na ibigay o magsumite ng detalye kung paano nagawa ang sinasabi niyang iregularidad noong nagdaang eleksyon.
Hindi rin umano inilahad ni Valerio ang pangalan ng mga indibidwal at grupo na gumawa ng iregularidad.
Sa inihaing election protest ni Valerio sinabi nito na nagkaroon ng dayaan at iregularidad sa 34 clustered precincts noong panahon ng eleksyon at noong canvassing.
Kapwa nakakuha ng 16,694 na boto sina Tugna at Valerio noong nakalipas na eleksyon kaya nauwi sa toss coin ang labanan.
Sa press conference sinabi ni Atty. Romulo Malintal, abogado ni Villanueva-Tugna, maari pa namang umapila sa Commission on Elections (Comelec) ang kampo ni Valerio, pero naniniwala siyang ibabasura din ito ng komisyon.
Nanawagan naman si Villanueva-Tugna sa kanyang nakatunggali na magkaisa na para sa bayan ng Bocaue.