ASG at Maute group, tatapusin ng AFP sa loob ng 6-12 buwan

By Kabie Aenlle January 10, 2017 - 04:32 AM

 

Inquirer file photo

Target ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wakasan na ang karahasang ipinapalaganap ng Abu Sayyaf group at Maute group sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, sapat lamang ang inilatag na timetable ng militar, at kumbinsido si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na kayang supilin ng militar ang dalawang teroristang grupo sa loob ng nasabing panahon.

Gayunman, aminado naman si Año na mas makatutulong rin kung madadagdagan pa ito ng anim na buwan.

Bilang panimula aniya, magkakaroon ng malaking pagbabago sa organisasyon sa Western Mindanao Command na may hurisdiksyon sa mga lugar na kinaroroonan ng Abu Sayyaf at ng Maute group.

Ani pa Lorenzana, may bagong hakbang silang gagamitin, para isang bagsakan na lang ang pagresolba sa problema sa mga lokal na terorista dito sa bansa.

Pipigilan aniya nila ang mga grupong ito sa pagdukot pa ng mga tao, at susubukan nilang iligtas ang mga natitirang bihag ng mga ito.

Sa ngayon aniya kasi ay nasa 27 na lokal at dayuhang bihag ang hawak pa rin ng mga nasabing teroristang grupo.

Una nang nangako si Pangulong Duterte na pupulbusin ang mga teroristang grupo sa bansa.

Ang Abu Sayyaf ay kilala sa mga pagdukot sa mga dayuhan at maging mga lokal na mamamayan, habang ang Maute group naman ay hinihinalang nasa likod ng pagpapasabog sa Davao City noong nakaraang taon.

Para mas palakasin ang kanilang pwersa, balak rin ng AFP na mag-recruit ng 10,000 na mga sundalo ngayong taon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.