Matatamasa na ng mga empleyado ng gobyerno ang ikalawang tranche ng dagdag sa kanilang sahod ngayong taon.
Ito ay dahil ipagpapatuloy pa ng Department of Budget and Management ang pagpapatupad ng executive order ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong mga huling buwan niya sa panunungkulan tungkol sa pagpapataas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno.
Inilabas na ng DBM noong January 5 ang National Budget Circular No. 568 at ang Local Budget Circular No. 113 na nilagdaan ni Budget Sec. Benjamin Diokno.
Sa pamamagitan nito ay mapapayagan na ang mga ahensya na i-adjust ang sweldo ng mga empleyado, na retroactively effective mula pa January 1, base sa Executive No. 201 na inilabas noong 2016.
Nakasaad sa EO 201 na itataas ang sweldo ng mga sibilyang empleyado ng gobyerno, at na mabibigyan rin ng bago at karagdagang allowance ang mga military at uniformed personnel.
Mandato ng nasabing EO na i-adjust ang mga sweldo sa loob ng apat na annual tranches hanggang 2019.