Naniniwala si Sen. Leila de Lima na hindi dapat hayaang tanging ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-imbestiga sa pangingikil umano ng dalawang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa casino tycoon na si Jack Lam.
Dahil dito, nanawagan si De Lima na dapat magsagawa ang Senado ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing kontrobersyang kinasangkutan nina dating BI commissioners Al Argosino at Michael Robles.
Marami aniyang dapat pang itanong kaugnay sa isyu na nangangailangan ng mas malalim na imbestigasyon, ngunit hindi dapat ito solohin ng DOJ at NBI dahil pare-pareho itong pinamumunuan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre.
Inihalintulad pa niya ang imbestigasyon ng DOJ sa BI sa pagtatalaga sa isang lobo para bantayan ang mga tupa.
Matatandaang inakusahan sina Argosino at Robles nang pangingikil ng P50 milyon mula kay Lam, kapalit ng kalayaan ng mahigit 130 na Chinese na iligal na nagtatrabaho sa casino nito sa Pampanga.
Ipinunto pa ni De Lima na kung talagang tinangka ni Lam na suhulan noon si Aguirre sa pamamagitan ng kaniyang tauhan na si Wally Sombero, dapat ay nagpatupad na agad ito ng warrantless arrest laban sa mga ito, upang naawat rin ang paglabas ni Lam sa bansa.