Pinabulaanan ng Malacanañang ang ulat na nagpunta umano sa isang cancer hospital sa China si Pangulong Rodrigo Duterte noong Bagong Taon.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar na naging busy ang pangulo sa pag-asikaso sa ilang mga bagay.
Dinalaw umano ng pangulo ang Hilangos, Leyte kung saan naganap ang isang pambobomba na ikinasugat ng tatlumpu katao.
Noong December 30 ay dumalo naman si Duterte sa Rizal Day commemoration at pinangunahan ang pagtataas ng watawat sa Luneta Park sa Maynila.
Muling nagpakita sa publiko ang pangulo noong nakalipas na araw kung saan ay binisita niya ang nakadaong na barko ng Russian Navy sa Manila Bay.
Sa kanyang column sa Manila Times ay sinabi ni dating Sen. Francisco “Kit” Tatad na nagtungo umano ang pangulo sa Fuda Cancer Hospital sa Guangzhou, China habang abala ang sambayanan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Nauna nang sinabi ng pangulo na wala siyang cancer pero siya ay may Buerger’s Disease, Barrett’s esophagus at diprensya sa kanyang spinal makaraan ang isang aksidente sa motorsiklo.