Loida Nicolas-Lewis: Hindi totoo ang “Lenileaks”
Itinanggi ng Filipino-American philanthropist na si Loida Nicolas-Lewis ang mga report na kabilang ang kanyang grupo sa mga nasa likod ng planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ni Lewis na ang kanilang Yahoo group na Global Filipino Diaspora Council ay isang public group.
Hindi umano sila mag-uusap sa nasabing group site kung may balak silang ibagsak ang kasalukuyang pamahalaan.
Sinabi rin ni Lewis na walang grupo ang nagsabing ibagsak ang kasalukuyang pamahalaan at nagmula lamang umano ang nasabing idea sa mismong mga nakapaligid kay Pangulong Rodrigo Duterte na bababa ito sa pwesto sa loob ng anim na buwan kapag nabigo ang kanilang anti-drug campaign.
Magugunitang tinawag na “Lenileaks” ang nasabing leaked email kung saan ay mababasa ang discussion ng mga kasama sa thread kabilang na si Lewis at ilang personalidad na tagasuporta ng Liberal Party.
Nakasaad sa nasabing pag-uusap ang paglulunsad ng mga kilos-protesta na naglalayong idiskaril ang pamahalaan ni Pangulong Duterte.
Sa panayam ng Radyon Inquirer, sinabi ni Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar na taong 2011 pa nabuo ang nasabing Yahoo group chat page.
Sa tulong ng cyber forensic ay mahahalukay umano ang tunay na mga naging palitan ng pag-uusap sa nasabing chat page at dito mapapatunayan kung mayroon ba talagang pagtatangkang pabagsakin ang kasalukuyang pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.