DMCI, humihingi ng danyos sa NCCA para sa anila’y perwisyo sa Torre De Manila
Humihingi ng danyos mula sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA) ang DMCI, kontraktor ng kontrobersyal na Torre De Manila na binansagang ‘photobomber’sa Rizal Monument sa Luneta.
Ayon kay Atty. Roberto Dio, abugado ng DMCI, kinuwestiyon nila sa Makati Regional Trial Court ang pagpapalabas ng NCCA ng ‘cease and desist order’ laban sa Torre De Manila.
Naniniwala si Dio na wala sa kapangyarihan ng NCCA na pigilan ang konstruksyon ng Torre De Manila.
Bukod dito, posible rin umano na desisyon lamang ng chairman ng komisyon ang pagpapalabas ng cease and desist order at maaring hindi ito nalalaman ng buong board ng NCCA.
Bagaman naghain na umano sila ng petisyon sa Makati RTC, hindi pa umano naghahain ng tugon ang NCCA sa kanilang kaso kung saan kanilang hiniling na ipawalang bisa ang cease and desist order.
Bukas, nakatakdang ituloy ang oral argument sa kaso ng Torre De Manila sa Korte Suprema na nauna nang nagpalabas ng Temporary Restraining Order laban sa pagpapatuloy ng kontruksyon ng gusali nito lamang Hunyo 2015. / Ricky Brozas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.