“Lenileaks”, ipiprisinta kay Pangulong Duterte ni National Security Adviser Hermogenes Esperon
May hawak nang mga ebidensya at may nakapanayam nang resource person ang Malakanyang kaugnay sa kumalat na yahoo conversation na tinaguriang “Lenileaks” na naglalaman umano ng mga pag-uusap hinggil sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar, ang kaniyang opisina at ang tanggapan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., ang nagsasagawa ng imbestigasyon sa isyu.
Ayon kay Andanar, nakausap na nila ang dalawang source ng impormasyon na nagsulat ng nasabing “Lenileaks” na kumalat sa social media.
Mahaba-haba rin aniya ang PDF file na kailangang busisiin.
Ani Andanar, dadaan sa masusing imbestigasyon ang isyu, partikular na sa online forensic investigation para matukoy ang authenticity nito.
“May nakalap na tayong mga ebidensya (kaugnay sa yahoo conversation na tinaguriang ‘Lenileaks’). Nakausap na natin ang dalawang sources ng information na nagsulat nito, maraming nakalagay sa PDF file, dadaan naman ito sa masusing investigation, online forensic investigation,” ayon kay Andanar.
Mahalaga ayon kay Andanar na maberipika ng husto ang mga dokumento lalo na at maraming personalidad ang nadawit ang pangalan sa sinasabing yahoo conversation.
Madali lang naman kasi aniya na mag-add lang ng email address o pangalan sa isang group chat kaya dapat itong masuri ng mabuti.
Mamayang alas 3:00 ng hapon, ipiprisinta ni Esperon kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa iba pang miyembro ng security cluster ng gabinete ang usapin at ang naging takbo ng paunang bahagi ng imbestigayson.
“Mamayang 3PM we will bring this up to the president at sa iba pang miyembro ng security cluster. Si Sec. Jun Esperon ang magbibigay po ng findings ng investigation,” dagdag pa ni Andanar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.