Lalo pang bumaba ang naitalang temperatura sa Baguio City ngayong araw, Lunes, January 9.
Kaninang madaling araw naitala ang pinakamababang temperatura sa Baguio na aabot sa 11 degrees Celsius (°C) at inaasahang mas mababa pa ang naitalang temperature sa matataas na bahagi ng Benguet.
Ayon sa PAGASA-Baguio, posibleng bababa pa ang temperatura sa lungsod sa mga susunod na araw hanggang sa buwan ng Pebrero.
Kaugnay nito, nakaranas naman ng frost sa ilang bahagi ng Benguet, partikular sa Madaymen, Kibungan, Paoay, Atok, at maging sa Mt. Purgatory at sa Mt. Pulag.
Kahapon nagpalabas ng abiso ang Park Management ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mababang temperatura Mt. Pulag.
Inabisuhan ang mga trekker na posibleng umabot sa 2 degrees Celsius at bumagsak pa sa zero ang temperatura sa tuktok ng Mt. Pulag.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga aakyat na magsuot ng makakapal na damit para panlaban sa lamig at para maiwasan ang hypothermia.