Mismong si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang nagsabi na wala silang hawak na “credible” at “specific” na banta sa seguridad sa Traslacion ng Itim na Nazareno ngayong araw.
Ayon kay Dela Rosa, nagpapatupad lamang sila ng mahigpit na seguridad sa prusisyon upang tiyakin ang kaligtasan ng inaasahang milyun-milyong debotong lalahok sa Traslacion.
Bagaman wala silang hawak na credible at specific threat, handa naman aniya ang pulisya sakaling magsagawa nga talaga ng retaliation ang mga teroristang grupo.
Dagdag pa ni Dela Rosa, sa ngayon ay wala pa silang nakikitang “clear and present danger” sa nasabing okasyon.
Samantala, kuntento naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa paghahanda ng mga otoridad para sa seguridad sa sinasabing pinakamalaking religious procession sa bansa.
Ayon kay Communications Asec. Ana Marie Banaag, ang retaliation rin ng mga teroristang grupo ang kinatatakutan ng pangulo, ngunit ipinagdarasal nilang huwag itong mangyari.
Gayunman, tiwala aniya ang pangulo na ginagawa ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng mga local government units ang lahat ng kanilang makakaya para tiyaking hindi matutuloy ang anumang plano ng karahasan sa Traslacion.