Code blue alert, itinaas sa mga ospital sa Metro Manila para sa Traslacion
Itinaas ng Department of Health (DOH) ang Code Blue Alert sa lahat ng mga ospital sa Metro Manila, bilang pagtitiyak sa kaligtasan ng milyun-milyong debotong inaasahang dadagsa sa Traslacion ng Itim na Nazareno mamaya.
Ayon mismo ito kay Health Secretary Paulyn Ubial, na una nang nagtaas ng Code White Alert sa mga lahat ng mga ospital na madadaanan sa ruta ng Traslacion.
Sa ilalim ng Code White Alert, lahat ng mga tauhan ng ospital ay dapat naka-standby para sa posibleng deployment at augmentation para sa mga serbisyong medikal at iba pa kung kinakailangan; sa Code Blue Alert naman, dapat 50 percent ng mga tauhan ng ospital ang naka-duty sa pasilidad na handang magbigay ng serbisyong medikal; sa Code Red Alert naman, ibig sabihin ay dapat 100 percent ng mga tauhan ng ospital ay naka-duty para magbigay ng serbisyong medikal at iba pa.
Ayon pa kay Ubial, patuloy ang pakikipagugnayan niya sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Depende aniya sa magiging resulta ng pagpupulong niya sa NDRRMC, posible siyang magtaas ng Code Red Alert anumang oras mula ngayon.
Naglagay na rin aniya sila ng mga medical teams na maaring puntahan agad ng mga sasali sa Traslacion.
Mayrron aniya silang standby teams sa MMDA Gwapotel Command, kasama ang apat na partner teams mula sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, at Philippine Red Cross.
Mayroon rin aniyang walong hospital teams naman na ipapakalat nila sa walong segments ng ruta ng Traslacion.
Samantala, magpapakalat naman ng 58 ambulansya ang Philippine Red Cross, at magtatayo ng pitong first aid stations at welfare desks sa ilang receiving hospitals.
Magde-deploy rin sila ng mahigit 400 na tauhan, isang amphibian, tatlong rescue boats, isang 6×6 military truck, isang fire truck, dalawang motorsiklo, isang rescue truck at isang humvee.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.