Mga bus drivers sa Pasay na lalabag sa ‘nose in, nose out’ huhulihin na simula bukas
Sisimulan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) bukas ang lahat ng paghuli sa lahat ng drivers ng bus sa mga terminal sa Pasay City, na lumalabag sa “nose in, nose out policy.”
Sa ilalim ng ‘nose in, nose out’ policy, nakasaad na dapat ipasok ng mga driver ang mga bus na kanilang minamaneho sa terminal nang mauuna ang unahang bahagi nito, at gayundin kapag lalabas ng terminal.
Layon nitong bawasan ang pag-harang ng mga bus sa mga kalsada habang sila ay nagmamaniobra, na kadalasang nagsasanhi ng trapiko.
Paalala ni MMDA general manager Tim Orbos, pupunahin nila ang lahat ng posibleng paglabag ng mga bus sakaling masita ito, tulad na lamang ng kawalan ng prangkisa.
Maari aniya nilang i-impound ang sasakyan sakaling makitaan nila ito ng kahit anong paglabag sa batas.
Unang ibinalik ng MMDA ang nasabing polisiya noong Disyembre sa mga terminals sa kahabaan ng EDSA, dahil sa tuwing bumubwelta ang mga bus ng mga ito, laging naaantala ang daloy ng trapiko.
Ang mga mahuhuling lalabag ay mabibigyan ng Unified Ordinance Violation Receipt dahil sa obstruction and disregarding traffic sign, at papatawan ng mga kaukulang multa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.