JPE, kinatigan ng Korte Suprema sa hiling nito na malaman ang detalye ng kaso laban sa kanya

August 11, 2015 - 05:03 PM

file photo

Nakapuntos si Senador Juan Ponce Enrile sa Korte Suprema makaraang katigan ng hukuman ang kanyang petisyon na kumukuwestiyon sa ginawang pagbasura ng Sandiganbayan sa kanyang motion for bill of particulars.

Sa pamamagitan ng Bill of Particular, maaring hilingin ng akusado ang detalye ng kaso laban sa kanya para matiyak na magiging patas ang paglilitis.

Sa botong 8-5, kinatigan ng mga mahistrado ng SC ang kanyang hiling para dito.

Sa kanyang petisyon, iginiit ni Enrile na nakagawa ng pag-abuso ang Sandiganbayan nang itakda nito ang pagbasa ng sakdal laban sa kanya nang hindi man lang inaaprubahan ang hinihingi niyang Bill of particulars.

Ayon kay Enrile, ang pagbasura ng Sandiganbayan sa kanyang mosyon ay pagkakait sa kanya ng due process at seryosong paglabag sa kanyang constitutional rights na mabigyan ng impormasyon hinggil sa detalye ng isinampang kaso laban sa kanya.

Ilan sa mga isyu na nais ng senador na mabigyan ng linaw ay kung sino sa mga akusado ang nagbulsa ng umano’y ill-gotten wealth na nagkakahalaga ng P172 million; Anu-ano ang mga partikular na hakbang na magpapatunay na nagkaruon ng “serye” ng pagtanggap ng kickback o komisyon mula kay Janet Lim Napoles o kanyang mga kinatawan na galing sa proyektong isinakatuparan gamit ang kanyang PDAF allocation; Anu-ano ang paulit-ulit niyang tinanggap umano, kung ito ay pera, magkano, saang mga okasyon, petsa, halaga at lugar kung saan ito ibinigay; Ano ang batayan para sabihin na ang mga proyekto ay fictitious o peke at; Paano at bakit pinagsamantalahan ni Enrile ang kanyang posisyon./ Ricky Brozas

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.