Palasyo, mag-iimbestiga ukol sa ‘Lenileaks’

 

Inquirer file photo

Iimbestigahan ng Malacañang ang kumakalat na ulat sa social media ukol sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte na tinaguriang “Lenileaks”.

Ayon kay Communications Sec. Martin Andanar, batid ng pangulo na may mga nagpa-plano mula sa oposisyon na patalsikin siya sa puwesto.

Pero hindi aniya matutuwa ang pangulo kung mapapatunayan na totoo ang “Lenileaks”.

Sinabi din ni Andanar na tinitignan na ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang umano’y naturang plano.

Hihintayin aniya nila ang ibibigay na rekomendasyon ni Esperon sa kung ano ang dapat gawin sa isyu.

Nag-ugat ang salitang “Lenileaks” matapos magviral sa social media ang larawan ng umano’y pagpapalitan ng mensahe ng Filipino-American philanthropist na si Loida Nicolas-Lewis at kanyang kapatid na si dating Commission on Filipinos Overseas Chair Imelda “Mely” Nicolas.

Pero mariing itinanggi ni Vice President Leni Robredo na may koneksyon siya sa anumang plano na pagpapatalsik kay Duterte.

Hindi rin aniya siya naniniwala na mayroong “blueprint” na nagdedetalye sa planong tanggalan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte.

Matatandaan na noong nakalipas na Disyembre ay nagbitiw bilang Housing Secretary si Robredo matapos hindi na padaluhin sa mga cabinet meetings ng pangulo.

Read more...