Epektibo na ngayong araw ang gun ban na ipinatupad ng Philippine National Police sa Maynila dahil sa pista ng Itim na Nazareno.
Kaninang alas otso ng umaga ay nagsimula na ng 49-hour gun ban ng PNP na magtatapos naman sa Martes, January 10 ng alas otso ng umaga.
Ayon sa PNP, ipinatupad nila ang gun ban sa Maynila para matiyak na magiging mapayapa at maayos ang Traslacion bukas na inaasahang milyun-milyong deboto ang makikilahok.
Kasabay nito, muling nagpaalala si PNP chief Director Gen. Ronald Dela Rosa sa publiko na bawal ang pagbibitbit ng armas habang umiiral ang gun ban.
Una nang sinabi ni Dela Rosa na tanging ang mga pulis at sundalo na naka-uniporme lamang ang maaaring magdala ng armas.
Papahintulutan din ang mga security guards na magbitbit ng armas kung naka duty sila sa mga araw na umiiral ang gun ban.
Patuloy naman ang panawagan ng PNP sa mga gun owners na maging responsable para maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.