Pahalik sa Itim na Nazareno, magsisimula na ngayong araw
By: Rod Lagusad
- 8 years ago
Magsisimula na ngayong araw Linggo, January 8 ang taunang “pahalik” sa Itim na Nazareno na gaganapin sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Ang naturang pahalik ang siyang nagbibigay ng pagkakataon na mas makalapit sa Poon.
Ilang araw bago pa maganap ang isasagawang “pahalik” sa araw na ito ay may mga deboto na matiyagang nag-abang sa Quiapo Church para mahawakan at mahalikan ang poon ng Itim na Nazreno.
Ang ilang aktibidad na gaganapin sa Quirino Grandstand ngayong araw ay ang parada ng banda na susundan ng overnight vigil na tatampukan ng mga spiritual talks, youth dance o drama presentations at katekismo.
Nauna na dito kahapon, Sabado ang naging parada ng mga replika ng Black Nazarene sa paligid ng Quiapo Church bilang bahagi ng selebrasyon ng kapistahan.
Ang taunang prusisyon ng mga replika ay isinasagawa para mabawasan kahit papaano ang bilang ng mga taong dadalo sa mismong araw ng pista tuwing January 9.