PNP, magpapakalat ng karagdagang mga pulis sa Traslacion
Magdadagdag ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang mga tauhan para magbantay sa gaganaping pista ng itim na Nazareno sa Lunes sa Maynila.
Ayon kay PNP chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, magde-deploy sila ng magsisilbing augmentation force na magmumula sa Region 3 at Region 4 para sa ipapatupad na seguridad sa okasyon.
Bukod pa ito sa mga pulis Maynila na magiging pangunahing unit na nakatutok sa gagawing Traslacion.
Kaugnay nito, inamin ni Bato na may mga adjustments silang ginawa sa deployment matapos kumpirmahin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mike Sueno na may serious threat sa okasyon sa Lunes.
Ayon kay Bato, posibleng gumanti o maglunsad ng retaliatory attack ang grupong AKP o Ansar Khilafah Philippines makaraang mapatay ang kanilang lider na si Tokboy Maguid.
Sa huli, muling inulit ni Bato ang panawagan sa mga deboto na huwag matakot sa banta, manalig sa Panginoon at ituloy lamang ang kanilang taunang aktibidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.