Bilang “hermano mayor,” ipinag-utos na ni Manila Mayor Joseph Estrada ang paglilinis at clearing operations sa mga naturang kalsada upang matiyak na ligtas itong madaraanan ng mga debotong dadagsa sa Traslacion.
Sa Office of the City Engineer at Manila Police District (MPD) inatas ni Estrada ang gawaing ito upang matiyak ang pagiging “hassle-free” ng okasyon hindi lamang sa mga debotong dadagsa dito, kundi pati na rin sa mga motorista.
Ayon kay City Engineer Rogelio Legazpi, sinimulan na ng mahigit 600 nilang tauhan ang clearing operations noon pang Miyerkules, at tatagal ito hanggang sa Linggo.
Partikular nilang pagtutuunan ng pansin ang lugar ng Quiapo Church, at mga kalsada ng Palanca, Hidalgo at Villalobos.
Bilang bahagi ng clearing operations, paaalisin nila ang mga vendors sa kalsada, at aalisin o babaklasin naman nila ang mga iligal na istruktura at sakayan na nakakagambala sa daanan.
Kasama na rin dito ang pagtiyak na walang mga open manholes, kanal at mga naka-laylay na kable ng kuryente sa mga kalsadang dadaanan ng mga deboto.