LPA sa Mindanao, magiging bagyo sa weekend
Lalakas pa at magiging isang ganap na bagyo ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) ng PAGASA sa bahagi ng Mindanao.
Ayon kay PAGASA Forecaster Glaiza Escullar, sa weekend, magiging isang ganap na bagyo ang LPA at ito ang unang bagyo sa bansa ngayong taon na papangalanang “Auring”.
Huling namataan ng PAGASA ang LPA sa 465 kilometers east southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Sa ngayon, naghahatid na ito ng moderate hanggang sa malakas na pag-ulan sa mga rehiyon ng CARAGA, Davao, at SOCCSKSARGEN.
Nagbabala ang PAGASA sa mga residente sa nasabing mga rehiyon ng posibilidad ng pagkakaroon flashfloods at landslides.
Samantala, ang Eastern Visayas naman at nalalabing bahagi ng Mindanao ay makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan.
Hanging Amihan naman ang umiiral pa rin sa Luzon, kaya ang mga rehiyon ng Cagayan Valley at lalawigan ng Aurora at Quezon ay makararanas din ng mahinang pag-ulan.
Sa Metro Manila, rehiyon ng Cordillera at Ilocos at sa nalalabing bahagi ng Central Luzon, makararanas lamang ng isolated na pag-ulan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.