Bucor Deputy Director for Operations Rolando Asuncion, nagbitiw sa pwesto
Nagbitiw na bilang deputy director ng Bureau of Corrections si dating Police Chief Supt. Rolando Asuncion.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Asunsion sinabi nito na ipinadala niya ang kanyang resignation letter kahapon kay Pangulong Rodrigo Duterte at Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Ito ayon sa kaniya ay matapos siyang makatanggap ng text message mula sa director ng BuCor na si dating Police Senior Supt. Benjamin Delos Santos na pinaghahain siya ng “leave of absence pending investigation”.
Nang magka-usap sila ni Delos Santos ay sinabi umano nito sa kaniya na mayroong mga alegasyon na si Asuncion ay may “patong” sa Station Anti-Illegal Drugs ng PNP-Muntinlupa.
Tumanggap din daw siya ng pick-up at isang Toyota Avanza mula sa isang inmate ng New Bilibid Prisons bukod pa sa kinukuha umano siya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ni General Alexander Balutan.
Ani Asuncion, walang katotohanan ang lahat ng bintang sa kaniya.
Pero para sa malaya at maayos na imbestigasyon, nagpasya siyang magbitiw na lamang.
Ayaw din umano niyang magkaroon pa ng sigalot sa pagitan nina Aguirre at Delos Santos na magka-brod sa fraternity.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.