3 patay sa pananambang at buy bust ops sa QC at Navotas

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Nauwi sa madugong trahedya ang simpleng inuman ng mga magkakaibigan sa sa Lawin St. Brgy Commonwealth Q.C., matapos na pagbabarilin hanggang sa mapatay si Johnny Naigan, 35, habang nasugatan naman ang pulis na si Nilo Romero na naisugod pa sa ospital

Ayon kay Melchor Borda, ang Brgy. Commonwealth Relation Office, isang lalaki na armado ng baril na nakasuot ng asul na jacket na may hood at bull cap ang lumapit sa nag-iinumang magkakaibigan sa garahe ng bahay ni Naigan at walang habas silang pinagbabaril.

Agad napatay si Naigan habang tinamaan naman sa likod si Romero na ngayon ay patuloy na ginagamot sa ospital matapos tumagos ang bala sa kanyang likuran.

Samantala, nauwi naman sa habulan ang ginawang buy bust operation ng Quezon City Police District Station 5 SAID sa suspek na si Jefrey David alya “Jeff Tatoo.”

Unang nagkasundo ang pulis at suspek na magbentahan ng shabu sa bakanteng lote sa Brgy. Sta. Lucia, ngunit nakatunog umano ang suspek kaya pinaputukan nito ang mga pulis at mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.

Pero naabutan siya ng mga pulis at napatay sa may bahagi na ng Marianito Street na sakop na ng Brgy. Gulod, Quezon city.

Dito nakakuha ang mga pulis ng ilang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu at isang .45 caliber na baril.

Ayon kay Col. Alex Alberto, hepe ng QCPD Station 5, maliban sa patutulak ng shabu kilabot din na holdaper ng mga bumbay at may kinalaman din ang suspek sa pagpatay sa asset ng police na natagpuan sa bakanteng lote ng Brgy. Sta Lucia.

Sa Navotas City naman, isang babae ang natagpuang nakahandusay sa madilim na bahagi ng Tanigui St. Brgy. NBBS, Navotas City.

Ayon sa saksing nagpakilalang alyas “Rachel,” nakatambay sila malapit sa lugar ng may marinig silang dalawang putok ng baril.

Pagpunta nila sa lugar ng pinagmulan ng ingay nakita nila ang labi ng isang babae na nakasuot ng 3/4 na leggings na fatigue, at t-shirt na Hello Kitty.

 

Read more...