Mga deboto ng Nazareno, walang dapat ikatakot ayon sa PNP

By Kabie Aenlle January 06, 2017 - 04:59 AM

NazarenoPinayuhan ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga deboto ng Itim na Nazarenong dadagsa sa Lunes sa Traslacion na huwag pairalin ang takot.

Ito aniya ay sa kabila ng mga lumulutang umano na mga banta sa seguridad sa pinakamalaking religious activity na gaganapin sa January 9 sa Maynila, na dinarayo ng milyun-milyong deboto.

Ayon kay Dela Rosa, hindi dapat hayaan ng publiko na manaig ang takot sa mga terorista, at kumapit lamang sa pananampalataya sa Diyos.

Sinabi ito ni Dela Rosa, kasunod ng mga lumutang na ulat na posibleng magsagawa ng pag-atake ang mga teroristang grupo tulad ng Abu Sayyaf, Maute group at Ansar Al-Khilafah sa prusisyon ng Nazareno.

Tuloy lang aniya ang pagdiriwang, lalo’t ilang taon naman na itong ginagawa.

Mayroon man aniya o walang banta sa seguridad, tiniyak ni Dela Rosa na sisiguraduhin nila na magiging “hard target” ang pista ng Nazareno at na walang mangyayaring hindi inaasahan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.