DILG, triple ang paghahanda ng seguridad sa Traslacion dahil sa posibleng pag-atake ng Maute group

nazareno-museum-0109Hindi lamang doble, kundi triple ang inihahandang seguridad ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Lunes.

Ito ay para matiyak ang kaligtasan ng mga lalahok sa traslacion ngayong taon na inaasahang aabot sa labing walong milyong deboto.

Ayon kasi kay DILG Sec. Ismael Sueno, malaki ang posibilidad na nasa Metro Manila ang ilang elemento ng Maute group at nagpa-plano na atakihin ang prusisyon ng Itim na Nazareno na inaasahang dadagsain ng milyong-milyon deboto.

Posible aniya na ang Maute group ang nasa likod ng natukoy na banta ng terorismo sa traslacion, dahil marami sa panig ng teroristang grupo ang nasawi sa pakikipagsagupaan sa militar sa Lanao Del Sur.

Pero sa kabila nito, iginiit ni Sueno na wala silang balak na irekomenda ang pagkansela sa Traslacion kahit pa natukoy na may banta ng terorismo.

Kahit pa aniya ipayo nila sa mga nais lumahok na huwag nang dumalo sa Traslacion, maliit pa rin ang tsansa na susundin ito ng mga deboto dahil sa tibay ng kanilang pananampalataya.

Sa halip, pinayuhan nalang ng DILG ang publiko na maging maingat at alerto lalo na’t itinuturing na pinakamalaking relihiyosong aktibidad ang Traslacion, hindi lamang sa Quiapo kundi sa buong bansa.

Ngayon ay itinaas na ang nationwide alert para matiyak ang kaligtasan ng publiko at mga deboto.

Read more...