MILF, walang kinalaman sa North Cotabato jailbreak – Sueno

Mike SuenoWalang kinalaman ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa naganap na jailbreak sa North Cotabato kung saan hindi bababa sa 150 bilanggo ang pumuga.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, tahasang inabswelto ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueno ang MILF.

Ayon kay Sueno, personal niyang tinawagan si Commander Sammy Almanzor, ang chief of staff ng MILF military at iginiit na walang kinalaman umano ang kanilang grupo sa pag-atake.

Sinabi pa ni Sueno na maging si MILF Vice Chairman Ghadzali Jaafar ay kaniya ring tinawagan, at itinanggi rin nito ang partisipasyon ng kanilang grupo sa jailbreak.

Paliwanag pa ni Sueno, wala umanong MILF commander na nagngangalang Esmael Nasser alyas “Kumander Debri”.

Wala rin aniyang military camp ang MILF na malapit sa kulungan kung saan pumuga ang mga preso.

Kasabay nito, sinabi ni Sueno na bago pa man ang pag atake nakatanggap na ng tip ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na sasalakayin umano ang kulungan.

Dahil dito, iiniimbestigahan na aniya ang warden kung umakto ito sa naturang tip.

Sa 150 pugante, 28 sa mga ito ang naibalik sa kulungan habang anim ang napatay sa hot pursuit operation.

Read more...