110 sa mga presong nakatakas mula sa North Cotabato jail, hinahanap pa
Muli nang naaresto ang hindi bababa sa 34 na preso na kabilang sa pinakamalaking jailbreak na nangyari dito sa bansa, ngunit mahigit 110 pa ang pinaghahanap pa rin hanggang ngayon sa lalawigan ng North Cotabato.
Matatandaang sinalakay ng mga hinihinalang rebeldeng Moro ang North Cotabato Distrcit Jail noong Miyerkules ng madaling araw kung saan nakatakas ang 158 na preso at ikinasawi naman ng isang gwardya.
Aminado naman ang jail warden na si Supt. Peter Bongngat na marami talagang balakid sa kanila upang mahanap ang mga nakatakas na preso.
Napakalawak aniya kasi ng kanilang pinaghahanapang lugar, at maliban sa mga plantasyon ng asukal, goma at niyog, may ilang lugar rin na hawak ng mga rebelde na hindi nila maaring basta na lang pasukin.
Ayon naman kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Xavier Solda, ito na ang pinakamalaking jailbreak na naganap sa kasaysayan ng Pilipinas.
Samantala, una na ring nagpahayag si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa na patutulungin na niya ang mga pulis Mindanao sa paghahanap sa mga pugante.
Nagpahayag rin ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ng kahandaan na tumulong sa paghahanap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.