Nagpakilalang hitman na si Edgar Matobato kakasuhan na ng DOJ

Matobato-mugshotMaghahain ang Department of Justice sa korte ng kasong frustrated murder laban sa self-confessed hitman na si Edgar Matobato.

Ito’y kaugnay sa reklamong inihain ng isa sa umano’y biktima nito noong nakaraang buwan ng Setyembre.

Ayon kay DOJ Sec. Vitaliano Aguirre, nakitaan ng Digos City Prosecutor’s Office ng probable cause ang reklamo laban kay Matobato na inakusahan ng pamamaril sa complainant na si Abeto Salcedo noong October 2014.

Pero hindi naman masabi ni Aguirre kung naihain na ang nasabing kaso sa Digos City Regional Trial Court.

Sinabi ni Salcedo na ilang beses siya umanong binaril ni matobato habang papaalis na ito sa opisina ng Department of Agriculture sa Digos City kung saan siya nagta-trabaho bilang adjudicator.

Hinala ni Salcedo, posibleng may kinalaman sa kanyang trabaho bilang DAR adjudicator ang umano’y pamamaril sa kanya ni Matobato.

Pero sa kanyang pagharap sa Senate inquiry noong Oktubre, mariin namang itinanggi ni Matobato ang naturang akusasyon sabay giit na nasa ilalim siya ng Witness Protection Program ng DOJ nang mangyari ang insidente.

Sinabi pa ng self-confessed hitman na pumapatay lamang siya noon dahil iniutos ito sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte noong siya pa ang Mayor sa Davao City.

Read more...