Kinumpirma ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mayroong terror threat sa Traslacion ng Black Nazarene sa January 9 sa Quiapo, Maynila.
Sa pulong-balitaan sa Malacañang, sinabi ni DILG Secretary Mike Sueno na ang Maute Group at Abu Sayyaf ang nagpaplano na magsawa ng terorismo.
Sinabi pa ng kalihim na nagbabalak ang teroristang grupo na gumanti sa pamahalaan matapos mapatay ng militar ang lider ng Ansar Al-Khilafa group na tagasuporta ng grupong Isis sa Saranggani.
Gayunman sinabi ni Sueno na walang balak ang kanilang hanay na kanselahin ang Traslacion o ang pagpuprosisyon ng Poong Nazareno sa palibot ng Maynila.
Tiniyak naman ng kalihim na pinaigting na ng kanilang hanay katuwang ang PNP at AFP ang pagpapatupad sa seguridad para matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa Traslacion.
Pakiusap ni Sueno sa mga dadalo sa prusisyon na doblehin o triplihin ang pag-iingat at makipagtulungan sa mga otoridad.