Lider ng Al-Khalifa terror group, patay sa operasyon sa Sarangani
(UPDATE) Napatay sa operasyon ang umano’y lider ng Al-Khalifa terror group na naganap sa Saranggani.
Naaresto din sa nasabing operasyon ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya ang tatlong iba pang suspek.
Kinilala ni Police Regional Office 12 Regional Director, Chief Supt. Cedric Train ang napatay na lider ng Al-Khalifa na si Mohammad Jaafar Maguid alyas Tokboy.
Napatay si Tokboy sa isinagawang operasyon sa Angel Beach Resort sa Barangay Kitagas, Kiamba, Sarangani Province.
Sa isinagawang operasyon, naaresto din ng operating team ang tatlo pang kasamahan ni Maguid na sina Matahata Dialawe Arboleda, Ismael Sahak alyas Mael, at Morhaban Veloso alyas Bugoy.
Si Tokboy ang umano’y lider ng Ansar Al- Khalifa Philippines-SOCCSKSARGEN.
Agad namang isinailalim sa eksaminasyon ang bangkay Maguid.
Ayon kay P/Supt. Leonardo Suan, Deputy Regional Director for Operations ng PRO 12, narekober mula kay Maguid ang dalawang baby armalite at granada.
Sinasabing lulan ng Toyota Wigo na kulay pula na may temporary Plate na 12190176 sina Maguid.
Itinuturong sangkot sina Maguid sa paghagis ng granada sa bayan ng Maasim, Sarangani Province noong nakaarang taon na ikinamatay ng isang pulis at pagkasugat ng maraming iba pa kasabay ng Kestebeng Festival.
Sinasabing si Maguid ay konektado sa Maute terror Group at sympathizer din ng Abu Sayyaf Group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.